Ateneo nagbaon ng panalo sa UE

MANILA, Philippines — Kahit wala ng pag-asang maka-usad sa semifinals ay ipinakita pa rin ng Ateneo De Manila University ang kanilang tikas matapos nilang kalusin ang minalas na University of the East, 25-21, 23-25, 25-16, 27-25 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa Araneta Coliseum.
Tinapos ng Blue Eagles ang kanilang kampanya na tangan ang 5-9 karta, kasalukuyang nasa pang pito sila habang walang naipanalo ang Lady Warriors sa 14 na laro.
Nilista ni Jhan Isabelle Chuatico ang 16 markers mula sa 11 attacks, apat na blocks at isang service ace para sa Ateneo na kinalsuhan ang four-game losing streak.
Napahirapan pa ang Blue Eagles sa fourth frame matapos silang sabayan ng Lady Warriors sa paluan, mabuti na lamang at nakatuwang ni Chuatico sa opensa sina Alexis Ciarra Miner, Lyann Marie Loise De Guzman at Alexia Marie Montoro para maitakas ang panalo.
Kumana sina Miner at De Guzman ng tig-13 puntos habang 11 ang binakas ni Montoro.
Pinamunuan ni Nessa Karzai Bangayan ang puntusan para sa Lady Warriors matapos ilista ang 16 points habang 14 at 13 ang inambag nina KC Cepada at Kayce Balingit, ayon sa pagkakasunod.
- Latest