Lady Generals may pag-asa pa sa semis
MANILA, Philippines — Malakas pa ang pag-asa ng Emilio Aguinaldo College sa asam na semifinals matapos silang akbayan ni veteran spiker Alessandra Razonable sa 25-18, 25-15, 25-15 panalo kontra pinapaborang Mapua University sa NCAA Season 100 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil Arena sa San Juan, kahapon.
Nahirang na Best Player of the Game, nilista ni Razonable ang 15 points mula sa 13 attacks at dalawang blocks upang tulungan ang Lady Generals na ilista ang 3-7 karta.
Ginulat ng Lady Generals ang Lady Cardinals matapos ang three sets win at maging si Razonable ay hindi inaakala na ganun kadali ang kanilang panalo.
“Ang thinking po namin, kahit sino po kalaban iniisip namin na pare-pareho po kaming nage-ensayo pinaghahandaan namin ang bawat laban, mas nagpursige po kami kaya nakuha namin yung goal ngayon,” ani Razonable.
Samantala, nadugtungan ang tsansa ng Lyceum of the Philippines University matapos nilang silatin sa limang sets ang University of Perpetual Help System Dalta, 21-25, 25-21, 29-31, 25-14, 15-12 sa ikalawang laro.
- Latest