Swiatek nakaabang kay Eala sa 2nd round
MANILA, Philippines — Inaabangan na ang posibleng paghaharap nina Pinay netter Alex Eala at reigning French Open champion Iga Swiatek ng Poland sa Mutua Madrid Open na papalo ngayong araw sa Madrid, Spain.
Sa opening round, makakalaban muna ni Eala si Vikotoriya Tomova ng Bulgaria.
Nakatakda ang laro nina Eala at Tomova sa alas-5 ng hapon (oras sa Maynila).
Kung mananalo si Eala kay Tomova, haharap sa matinding pagsubok si Eala dahil makakasagupa agad nito si Swiatek sa second round.
Dahil sa mataas na ranking, binigyan si Swiatek ng opening-round bye kaya’t magkakaroon ito ng pahinga` at sariwa itong haharap kay Eala.
May 1-0 bentahe si Eala kay reigning French Open champion Swiatek sa kanilang head-to-head.
Matatandaang ginulantang ni Eala ang Polish world No. 2 player sa quarterfinals ng Miami Open noong nakaraang buwan matapos itarak ang 6-2, 7-5 panalo.
Hard court ang ginamit sa Miami Open.
At ibang usapan na ang clay court na isa sa paboritong surface ni Swiatek.
Nakalikom lang naman si Swiatek ng apat na korona sa French Open — noong 2020, 2022, 2023 at 2024.
Kaya naman magiging mabigat ang labang ito para kay Eala.
- Latest