Obiena kakasa sa China

MANILA, Philippines — Naghahanda na si Asian champion EJ Obiena para sa prestihiyosong Diamond League Xiamen Leg na gaganapin sa Abril 26 sa Xiamen, China.
Pukpukan na ang paghahanda ni Obiena para masigurong nasa magandang kundisyon ito lalo pa’t lalahok din sa Xiamen Leg ang matitikas na pole vaulters sa mundo.
“Preparations and training has been done in the heat of the Philippines,” ani Obiena sa kanyang post sa social media.
Magiging hadlang sa kampanya ni Obiena si world champion, Olympic champion at world record holder Mondo Duplantis ng Sweden na kasalukuyang may world record na 6.26m.
Nauna nang inihayag ni Duplantis na desidido itong basagin ang kanyang world record sa bawat tournaments na sasalihan nito.
Kasama rin sa Xiamen Leg sina Paris Olympics silver medalist Sam Kendricks ng Amerika at bronze winner Emmanouil Karalis ng Greece — mga nakalaban ni Obiena sa Paris Games.
Masisilayan din sa aksyon sina Ben Broeders ng Belgium, Sondre Guttormsen ng Norway, Kurtis Marschall ng Australia, Ersu Sasma ng Turkey, Menno Vloon ng Netherlands, at Chinese entries Huang Bokai at Li Chen Yang.
Bukod sa Xiamen Leg, pinaghahandaan din ni Obiena ang pagsabak nito sa Diamond League Shanghai Leg at 2025 Asian Championships sa South Korea.
Kasalukuyang nasa Pilipinas si Obiena para ipagpatuloy dito ang training camp nito kasama si Vitaly Petrov na siyang humahawak sa kanyang training program.
Sumasalang sa ensayo si Obiena sa Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite.
Sesentro na ang atensiyon ni Obiena sa Diamond League na magtatampok ng 15 legs sa buong season na ito.
- Latest