PLDT, creamline mapapalaban na sa avc champions league

MANILA, Philippines — Makikilatis ang pambato ng Pinas na Creamline at PLDT ng Premier Volleyball League kontra sa magkaibang katunggali sa pagbubukas ng inaabangang 2025 AVC Women’s Champions League ngayon sa PhilSports Arena sa Pasig.
Unang sasalang ang Creamline sa alas-4 ng hapon kontra sa Al Naser Club ng Jordan sa pool A bago ang tagisang PLDT at Queensland Pirates ng Australia sa alas-7 ng gabi sa Pool D.
Tampok din sa quadruple-header opener ang Kaohsiung Taipower ng Chinese Taipei kontra sa Hip Hing ng Hong Kong sa Pool B sa alas-10 ng umaga at ang duwelo sa pagitan ng Baic Motor ng China at Saipa Tehran ng Iran sa ala-1 ng hapon sa Pool C.
Pagkakataon ito para sa dalawang koponan na makabawi matapos mabigo sa katatapos lang na PVL All-Filipino Conference.
Naisuko ng Creamline ang korona nito sa bagong kampeon na Petro Gazz habang sa quarterfinals lang umabot ang PLDT.
Ngayon, sasandal sila sa mga pambatong imports upang matulungang makasabay sa pinakamalalakas na women’s ball clubs ng Asya.
Tatrangko sa Creamline si Erica Staunton, na dinala sila sa PVL championship ng Reinforced Conference noong nakaraang taon, kasama ang mga bagong alas na sina Anastassiya Kolomoyets at Anastasya Kudryashova.
Nagbabalik din sa Creamline ang batikang setter na si Rhea Villarete upang samahan si Kyle Negrito sa pagmando ng opensang pamumunuan nina Jema Galanza, Bernadeth Pons, Tots Carlos at Michele Gumabao.
Gigiya naman sa PLDT sina Wilma Salas at Savannah Davison kasama sina Majoy Baron, Kianna Dy, Mika Reyes, Kath Arado at Kim Fajardo.
Kasali rin sa AVC Cup ang Petro Gazz na bukas pa sasalang kontra Kaohsiung sa pool B kasama din ang Hip Hing ng Hong Kong.
- Latest