TNT ready na sa PBA Philippines Cup debut

MANILA, Philippines — Handang-handa nang sumalang ang TNT Tropang 5G para sa kanilang unang laro sa Season 49 PBA Philippine Cup sa Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.
Naging maayos ang isinagawang four-day training camp ng Tropang 5G sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago ang Semana Santa.
Sumama din si veteran point guard Jayson Castro sa training camp pati ang bagong hugot na si free agent Simon Enciso.
Nagpatuloy ang pagpapakondisyon ng TNT ilang linggo makaraang talunin ang karibal na Barangay Ginebra sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup best-of-seven championship series.
Ang pambihirang PBA Grand Slam ang target ng Tropang 5G ni coach Chot Reyes matapos pagharian ang Governor’s Cup at Commissioner’s Cup laban sa Gin Kings.
Unang makakatapat ng TNT sa kanilang debut game sa season-ending conference ay ang sister team NLEX sa alas-5 ng hapon sa Miyerkules sa Big Dome.
Sina Roger Pogoy, Calvin Oftana, Rey Nambatac, Poy Erram, Glenn Khobuntin, Kelly Williams, Kim Aurin at ang nagbabalik na si 6-foot-7 Brandon Ganuelas-Rosser ang muling ipaparada ni Reyes.
Sa alas-7:30 ng gabi ay lalabanan ng Ginebra ang Terrafirma para sa una rin nilang laro sa torneo.
Kasalukuyang solo ng Magnolia ang liderato bitbit ang 3-0 record kasunod ang San Miguel (2-1), nagdedepensang Meralco (2-2), Converge (2-2), Rain or Shine (1-1), NorthPort (1-1), NLEX (1-1), Phoenix (1-2) at Terrafirma (1-2),
Samantala, kinansela ng PBA ang idaraos sanang 2025 All-Star sa Davao Del Norte sa Mayo 2-4 dahil sa seguridad.
Kung sakali ay sa Visayas pa rin gagawin ang annual classic matapos ang national election, ayon kay PBA Commissioner Willie Marcial.
Ang Bacolod City ang huling naging host ng PBA All-Star Game na nagtabla sa 140-140 sa pagitan ng Team Barroca at Team Aguilar tampok ang five-point play ni Robert Bolick sa endgame.
- Latest