Grizzlies vs Thunder sa 1st round playoffs

MEMPHIS, Tenn. - Hindi inisip ni Ja Morant ang kanyang sprained right ankle para magtala ng 22 points at 9 assists sa 120-106 pagsibak ng Grizzlies sa Dallas Mavericks sa Play-In Tournament papasok sa NBA Playoffs.
Umiskor si Jaren Jackson Jr. ng 24 points at may 22 markers si Desmond Bane para sa Memphis na pinigilan ang ilang beses na paglapit ng Dallas sa second half.
Bilang No. 8 seed sa Western Conference ay hahamunin ng Grizzlies ang top-seeded Oklahoma City Thunder sa isang best-of-seven series na magsisimula bukas sa balwarte ng huli.
Tatangkain nilang maging pang-pitong tropa sa NBA history na tumalo sa No. 1 team sa first round bilang No. 8 seed.
Huli itong nangyari noong 2022-23 season nang gulatin ng No. 8 Miami Heat ang No. 1 Milwaukee Bucks, 4-1.
Sa Atlanta, bumanat si Tyler Herro ng 30 points para banderahan ang Heat sa 123-114 overtime win sa Hawks para kunin ang No. 8 berth sa Eastern Conference.
Nagdagdag si Davion Mitchell ng 16 markers tampok ang tatlong krusyal na three-point shots sa extra period sa pagsagupa ng Miami sa No. 1 Cleveland Cavaliers sa first-round playoffs.
Ang Heat ang naging unang No. 10 seed na makasampa sa playoffs simula nang ilunsad ang play-in format noong 2020-21 season.
Sila rin ang unang play-in team na umabante sa first-round playoffs na may dalawang road wins.
- Latest