MANILA, Philippines — Hannah White inaabangan sa PAI National Tryouts
MANILA, Philippines — Naghahanda na si Filipino-British tanker Hannah White para sa 2025 Junior National Championship-Philippine Aquatics National Tryouts na idaraos sa Abril 25 hanggang 27 sa Rizal Memorial Swimming Pool sa Malate, Manila.
Ang torneo ang magsisilbing qualifying tournament para sa 47th SEA Age Group Swimming Championships na gaganapin naman sa Hunyo 25 hanggang 27 sa Singapore.
Malaki ang tsansa ni White na makapasok sa national junior team na sasabak sa SEA Age Group dahil sa impresibong oras nito sa nakalipas na swimming tournament sa Ho Chi Minh City, Vietnam.
Sa kasalukuyan, may magagandang oras ito sa iba’t ibang events sa girls’ 13-under division. Una na ang 100m freestyle kung saan hawak nito ang personal best na 1:00.43 na silver medal standard sa 2024 edisyon ng SEA Age Group.
Maliban dito, may tsansa rin si White sa 400m freestyle (4:45.76), 50m freestyle (27.51), 50m butterfly (29.78) at 100m butterfly (1:06.52).
Inaasahang mas mapapaganda pa ni White ang mga marka nito dahil pukpukan na ang paghahanda nito para sa national tryouts.
- Latest