Eala lusot kay Koevermans
MANILA, Philippines — Hindi naging hadlang kay Alex Eala ang makailang ulit na pagkakaantala ng laro dahil sa ulan para masiguro nito ang kaniyang tiket sa second round ng Oeiras Ladies Open sa Jamor Tennis Club sa Oeiras, Portugal.
Inilista ng Rafael Nadal Academy scholar ang 6-3, 6-4 panalo kontra kay Anouk Koevermans ng Netherlands upang umabante sa Round-of-16 ng torneo.
Makailang ulit na natigil ang laro dahil sa matinding buhos ng ulan dahilan para masuspinde ito at ipagpaliban.
Lamang si Eala ng isang set ngunit nabaon ito sa 2-4 sa second set nang suspendihin ang laban
Sa pagbabalik ng aksiyon kinabukasan ay sariwang sariwa na lumabas ng court si Eala kung saan sunud-sunod nitong pinakawalan ang matatalim na atake para makuha ang panalo.
Ito ang unang panalo ni Eala sa clay court sa season na ito at upang panalo bilang Top 100 player.
Kasalukuyan itong nasa ika-73 sa world rankings ng WTA.
“First win on clay this year. First win as top 100 too,” ani Eala sa kaniyang post sa social media.
Makakalaban ni Eala sa second round ang mananalo sa paghitan nina qualifier Lian Tran ng Netherlands at Panna Udvardy ng Hungary.
Sunod na sasabak si Eala sa doubles kung saan kapares nito si American Katie Volynets.
Makakalaban nina Eala at Volynets sa first round sina fourth-seeded American pair Carmen Corley at Christina Rosca.
Ang pagsabak ni Eala sa torneo ay bahagi ng paghahanda nito para sa prestihiyosong French Open sa susunod na buwan sa Paris, France.
Maliban sa Portugal tournament, nakatakdang sumalang sa iba’t ibang torneo si Eala sa Italy at Spain bago tumulak sa Paris.
- Latest