Choco Mucho bumawi sa Akari

MANILA, Philippines — Binalikan ng Choco Mucho ang Akari, 25-18, 25-22, 27-29, 25-19, sa Game Two ng kanilang bakbakan para sa bronze medal sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Humampas si Sisi Rondina ng 26 points mula sa 25 attacks at isang block sa pagtabla ng Flying Titans sa 1-1 sa kanilang best-of-three series ng Chargers.
“Sinabi lang ni coach (Dante Alinsunurin) na mag-stick lang kami sa programa niya, sa mga play namin,” wika ng tubong Compostela, Cebu.
“Nag-usap-usap din kami na focus muna kami sa sari-sarili naming laro at kung anuman ang mangyari, hangga’t tinatrabaho natin wala tayong pagsisisihan,” dagdag ng 5-foot-6 na outside hitter.
Nag-ambag si Royse Tubino ng 17 markers habang may 12 points si Isa Molde.
Niresbakan ng Choco Mucho, tinapos ang four-game losing skid matapos magposte ng isang 10-game winning streak, ang Akari na nanaig sa Game One, 24-26, 21-25, 25-15, 25-18, 15-11.
Dahil sa four-set win ng Flying Titans kumpara sa five-set victory ng Chargers ay may tsansa ang tropa ni Alinsunurin na maagaw ang bronze medal.
Ito ay kung tuluyan nang mawawalis ng Petro Gazz Gazz Angels ang nagdedepensang Creamline Cool Smashers sa Game Two ng kanilang championship showdown kagabi.
Sakali namang makatabla ang Creamline sa Petro Gazz ay muling magtutuos ang Choco Mucho at Akari sa ‘winner-take-all’ Game Three bukas para bronze.
- Latest