Tropang giga dumiga pa

MANILA, Philippines — Nakahirit ng winner-take-all Game 7 ang Talk ‘N Text matapos maitakas ang 87-83 panalo kontra sa Barangay Ginebra sa pambihirang Game 6 ng 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup sa harap ng lagpas 17,000 katao kahapon sa Smart-Araneta Coliseum.
Nagpakawala ng 9-0 ratsada ang Tropang Giga sa simula ng fourth quarter upang makapagtayo ng double-digit deficit bago pigilan ang pamosong never-say-die spirit ng Gin Kings tungo sa 3-3 kartada ng kanilang best-of-seven titular showdown.
Tumabo ng 29 puntos, 13 rebounds, 6 assists at 3 steals si Best Import Rondae Hollis-Jefferson para trangkuhan ang panalo ng TNT matapos matalo nang dalawang sunod sa Ginebra at malustay ang 2-1 na series lead.
Matatandaang tinalo ng Tropang Giga ang Gin Kings sa Governors’ Cup finals noong nakaraang taon, 4-2, at may pagkakataong masikwat ang ikalawang sunod na titulo bukas sa Game 7 sa parehong venue.
Nagawa ito ng TNT sa tulong ng 23 puntos ni Rey Nambatac pati ng tig-14 puntos nina Calvin Oftana at Poy Erram.
Si Erram ang nagsalpak ng panelyong freethrows sa huling 6 segundo matapos makalapit ang Gin Kings sa 83-85 sa tres ni Scottie Thompson.
Napurnada ang 22 puntos ni Justin Brownlee, tig-12 nina Thompson at RJ Abarrientos pati na ang tig-11 puntos nina Japeth Aguilar at Stephen Holt para sa mga bataan ni coach Tim Cone.
- Latest