FEU, NU nagsalo sa liderato

MANILA, Philippines — Pahirapan na nasilo ng University of the Philippines ang panalo kontra tigasing Far Eastern University 23-25, 25-23, 25-17, 25-23 sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament na nilaro sa FilOil EcoOil Arena sa San Juan City, kahapon.
Dahil sa panalo, sinaluhan ng UP ang defending champion National University sa tuktok ng team standings tangan ang tig-2-0 records.
Nahirang na Player of the Game si Kianne Olango matapos ilista ang 17 points mula sa 13 attacks, tatlong blocks at isang service ace para sa UP habang pinamunuan naman ni Joan Marie Monares ang opensa sa tinikadang 19 markers.
Balikatan ang naging labanan sa set 1, parehong ipinakita ng FEU at UP ang kanilang lakas, pero nakuha ng Morayta-based squad ang panalo.
Sinikap naman ng UP na maagaw ang panalo sa second set sa tulong ni Olango pero dumaan pa rin sila sa butas ng karayom.
Naging madali naman para sa Lady Maroons ang pagsilo ng panalo sa third set nang hawakan nila ang nine-point lead, 16-7 sa second technical timeout.
Lubog ang Lady Maroons ng pitong puntos sa set 4 pero nagawa pa rin nilang umahon upang makuha ang mahirap na panalo.
Sa unang laro, nagtulungan sa opensa sina Alyssa Solomon at Bella Belen upang akbayan ang Lady Bulldogs sa 25-23, 25-19, 25-15, panalo kontra Ateneo Blue Eagles.
Nahirang na Best Player of the Game si reigning Finals MVP Solomon matapos umiskor ng game-high 12 points sapat upang matulungan sa panalo ang Lady Bulldogs.
Kumana naman sina star hitters Vange Alinsug ng 10 points at two-time UAAP MVP Belen ng siyam na puntos kasama ang pitong excellent receptions at limang digs para sa Lady Bulldogs na ipinalasap sa Ateneo ang pangalawang sunod na kabiguan.
- Latest