Weightlifting demo sports sa 2025 Palarong Pambansa
MANILA, Philippines — Masisilayan na ang weightlifting sa Palarong Pambansa na idaraos mula Mayo 24 hanggang Hunyo 2 sa Laoag, Ilocos Norte.
Itatanghal ito bilang demonstration sport sa 2025 edisyon ng Palarong Pambansa.
Mismong si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz ang nagsiwalat ng magandang balita sa kanyang social media accounts.
Masaya si Diaz na muling masisilayan ang weightlifting sa Palarong Pambansa na isa sa mga multi-sporting event kung saan nakatutuklas ng mga bagong talento ang bansa.
“It started as a dream, and finally, weightlifting is included as a demonstration sport in the Palarong Pambansa,” ani Diaz sa kanyang post.
Matagal nang pangarap ni Diaz na maging bahagi ang weightlifting sa Palarong Pambansa.
At sa pakikipagtulungan sa iba’t ibang sektor ng gobyerno, maisasakatuparan na ito.
“I have long hoped for my sport to be part of the biggest national sporting event for student-athletes in the Philippines. Now, it’s finally happening,” ani Diaz.
Nagpasalamat si Diaz sa mga naging katuwang nito para maging bahagi ang weightlifting sa Palarong Pambansa kabilang na ang Department of Education, ang mga board members ng Palarong Pambansa at ang Samahang Weightlifting ng Pilipinas (SWP).
Umaasa si Diaz na sa pamamagitan ng Palarong Pambansa, mas lalo pang lalawak ang interes ng mga Pilipino sa weightlifting na tunay na isa sa posibleng pagkunan ng gintong medalya ng Pilipinas sa mga darating na international competitions gaya ng Olympic Games, Asian Games at Southeast Asian Games.
- Latest