Cignal inupuan ang 3RD spot sa KO round

MANILA, Philippines — Pormal nang inangkin ng Cignal HD ang No. 3 spot sa knockout phase matapos walisin ang Akari, 25-17, 25-15, 25-21, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Pumalo si Vanie Gandler ng 15 points mula sa 14 attacks at isang service ace para sa 8-3 record ng HD Spikers tampok ang ikatlong dikit na panalo.
Haharapin ng tropa ni coach Shaq Delos Santos ang No. 10 team sa qualifying round.
Nagdagdag si Roselyn Doria-Aquino ng 12 points at may 10 markers si Ishie Lalongisip habang tumipa si setter Gel Cayuna ng 19 excellent sets at may 16 excellent digs si libero Dawn Catindig.
“Ang motivation namin, siguro tuluy-tuloy lang kung ano iyong ginagawa ng team, and team effort talaga,” wika ni Doria-Aquino. “Ginagawa namin kung ano iyong dapat gawin, sunod sa coaches.”
Bagsak ang Chargers sa ikalawang sunod na kamalasan para sa 5-6 baraha.
Nakahugot ang Akari ng 12 points kay Faith Nisperos kasunod ang lima at tig-apat na marka nina Ivy Lacsina, Ced Domingo at Eli Soyud, ayon sa pagkakasunod.
Mula sa 15-8 abante ay isinara ng Cignal ang first set sa 25-17 bago ilista ang 2-0 kalamangan sa laro matapos ang 25-15 panalo sa second frame tampok ang puntos ni Jovy Fernandez.
Sa pamumuno nina Nisperos, Lacsina at Camille Victoria ay nakadikit ang Chargers sa 19-22 sa third set.
Umiskor naman si Gandler para sa 23-19 bentahe ng HD Spikers bago tapusin ni Jackie Acuña ang laro sa kanyang running attack mula sa set ni Cayuna.
Sinabi ni Delos Santos na ang No. 3 seat talaga ang kanilang target.
“Sobrang happy kasi ito rin talaga iyong target namin na hopefully, makuha talaga namin iyong number three,” wika ni Delos Santos.
- Latest