Ilang gusot paplantsahin ng Gilas
MANILA, Philippines — Aminado si Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na may ilan pang dapat plantsahin upang mas lalo pang maging mabagsik ang kanyang tropa bago sumalang sa FIBA Asia Cup Qualifiers.
Lumabas ang ilan sa mga kahinaan ng Gilas Pilipinas sa laban nito sa 2nd Doha Invitational Cup na kailangang kailangang masolusyunan para sa mga susunod na laban ng tropa.
Nakakuha ng panalo ang Gilas Pilipinas laban sa host Qatar sa opening day sa iskor na 74-71.
Ngunit lumasap ito ng dalawang sunod na kabiguan — sa kamay ng Lebanon (54-75) at Egypt (55-86) para magkasya lamang sa ikatlong puwesto.
Gayunpaman, magandang aral ito para sa Gilas bilang paghahanda sa mga mas importanteng laban nito sa qualifiers lalo na sa FIBA Asia Cup proper na gaganapin sa Agosto.
Wala naman nang pressure sa Gilas Pilipinas sa final window ng FIBA Asia Cup Qualifiers dahil kwalipikado na ito sa FIBA Asia Cup proper.
Kaya’t masaya pa rin ito sa naging resulta ng kanilang laban sa Doha dahil nakuha nito ang target na makalaro ang mga Middle Eastern teams.
Sinabi ni Cone na mas pisikal ang mga laro ng Middle Eastern teams na kailangang magawan ng adjustments para sa mga susunod na laban nito.
“We did achieve the goal of playing the Middle Eastern teams and seeing the problems they present. They were physical and we’ll need to adjust to that physicality in the future,” ani Cone.
Makakasagupa ng Gilas ang Chinese-Taipei sa Pebrero 20 sa Taipei, Taiwan kasunod ang New Zealand sa Pebrero 23 sa Auckland, New Zealand.
Tumulak na pa-Taiwan ang Gilas para agad itong makapagsanay at makaagapay sa malamig na panahon ngayon doon.
- Latest