Cole Is Right nagpasiklab sa karerahan
MANILA, Philippines — Ginulat ng dehadong Cole Is Right ang mga liyamadista matapos nitong angkinin ang panalo sa 3-Year-old group (6) race na nilarga sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas noong Sabado ng hapon.
Lumargang pang-lima ang dehadong Cole Is Right para panoorin ang matulin sa arangkadahan at liyamadong Coming Earli.
Hawak ang isang kabayong agwat sa pumapangalawang Dixie Sky, nanatili sa unahan ang Coming Earli sa kalagitnaan ng karera, nasa tersero ang Swift Andri, pang-apat naman ang Blue Bubble.
Pagdating ng far turn ay nilalapitan na ang Coming Earli ng Dixie Sky at Cole Is Right at sa huling kurbada ay nakihalo na rin sa unahan ang Swift Andri.
Pero pagsapit sa huling 50 metro ng karera sa rektahan ay umungos na ang Cole Is Right para tawirin ang meta ng may dalawang kabayo ang agwat sa pumangalawang Coming Earli, pangatlo ang Swift Andri.
Sinakyan ni veteran jockey Jeffrey Bacaycay, nirehistro ng Cole Is Right ang tiyempong 1:28.2 minuto sa 1,400 meter race.
Samantala, hinahanda na ang Cole Is Right sa susunod nitong sasalihang stakes race kaya asahang aabangan ito ng kanyang mga tagahanga.
- Latest