Lady Maroons umeskapo sa Lady Warriors
MANILA, Philippines — Nakasaksi agad ng dikdikang labanan ang mga fans nang talunin ng University of the Philippines ang University of the East, 25-18, 26-24, 24-26, 13-25, 15-13 sa simula ng UAAP Season 87 women’s volleyball na nilaro sa MOA Arena sa Pasay City kahapon.
“First game of the season of course coming in excited yung mga players, hindi pa nila alam what to expect, hindi rin alam yung changes ng UE since nawalan sila ng players, kung ano yung gagalawin nila. Later part lumaban sila, mabuti nakuha namin sa dulo in five sets,” ani UP head coach Benson Bocboc.
Nasungkit ng Lady Maroons ang unang dalawang sets, at namumuro na silang walisin ang Lady Warriors matapos nila hawakan ang anim na puntos na bentahe, 18-12 sa set 3.
Pero kahit kulang sa puwersa ay ipinaramdam ng Lady Warriors ang kanilang lakas, nagsanib puwersa sina Riza Nogales, Kayce Balingit, at KC Cepada para hablutin ang panalo sa set 3.
Nagpatuloy ang mainit na laro ng Recto-based squad sa fourth set kaya muli silang nanalo at nakahirit ng deciding fifth set.
Dikitan pa rin ang naging labanan sa huling frame, nagtabla ang iskor sa 13-all bago pumalo ng dalawang sunod na puntos ang Lady Maroons para tapusin ang laro.
Pinamunuan ni Joan Marie Monares ang opensa para sa UP nang ilista ang 17 points kasama ang 11 digs.
“Kailangan namin i-work pa yung individual skills namin as well as teamwork and connection with each other,” ani outside spiker Monares.
Bumakas si rookie Kianne Olango ng impresibong 15 markers mula sa 11 spikes at apat na blocks habang 12 at 11 points ang kinana nina Irah Keshia Jaboneta at Nina Ytang, ayon sa pagkakasunod.
- Latest