Cepada mamumuno sa UE
MANILA, Philippines — Handang pamunuan ni Khy Cepada ang kampanya ng University of the East sa UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Gigiyain ni Cepada ang Lady Warriors pagharap sa University of the Philippines Lady Maroons ngayong ala-1 ng hapon kasunod ang bakbakan ng University of Sto. Tomas Tigresses at Far Eastern University Lady Tamaraws sa alas-3 ng hapon sa MOA Arena sa Pasay City.
Noong nakaraang buwan lamang ay nayanig ang UE dahil ilan sa mga key players nila ay naglipatan ng eskuwelahan.
Isa na rito si Casiey Dongallo na nagningning ang rookie year sa Season 86 at lumipat sa bakuran ng Lady Maroons.
Nakasama ni Dongallo sina California Academy standouts Kizze Madriaga, Shamel Fernandez, Jenalyn Umayam at Jelai Gajero.
Gusto namang ipagpatuloy nina Yesha Rojo at Claire Castillo ang kanilang collegiate careers sa College of St. Benilde sa NCAA.
“It’s a hard thing kasi I thought iyon na iyong lineup,” sabi ni Cepada. “We still have the pieces to play and show what we’re capable of.”
Makakasama ni Cepada sina Kayce Balingit, Van Bangayan, Angelica Reyes at Riza Nogales.
Bagama’t marami ang nalagas ay gagawin itong motibasyon ni Cepada.
- Latest