Petro Gazz kakapit sa solo second spot
MANILA, Philippines — Ang pang-walong sunod na ratsada ang hangad ng Petro Gazz sa pagharap sa Galeries Tower sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Lalabanan ng Gazz Angels ang Highrisers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang bakbakan ng nagdedepensang Creamline Cool Smashers at PLDT High Speed Hitters sa alas-6:30 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Bumabandera ang Creamline sa bitbit na 9-0 record kasunod ang Petro Gazz (8-1), Cignal HD (7-3), Choco Mucho (7-3), PLDT (6-3), Akari (5-5), Chery Tiggo (5-5), ZUS Coffee (4-6), Farm Fresh (4-6), Galeries Tower (1-8), Nxled (1-9) at Capital1 Solar Energy (1-9).
Ang pag-uusap sa loob ng court ang isa sa mga naging susi sa pitong sunod na pananalasa ng Gazz Angels, ayon kay setter Djanel Cheng.
“Siguro mas open communication na kami ngayon. Kapag may nakita kaming agad na problem, pag-uusapan agad ‘yun. Hindi puwedeng ipagpabukas,”ani Cheng matapos ang 25-19, 25-18, 25-9 pagdaig sa Solar Spikers.
Bukod kay Cheng, muli ring aasahan ng Petro Gazz sina Fil-Am Brooke Van Sickle, Myla Pablo, Jonah Sabete, MJ Phillips at Remy Palma.
Itatapat ng Galeries Tower sina Jho Maraguinot, Grazie Bombita, Rose Baliton, Ysa Jimenez, Dimdim Pacres at Andrea Marzan.
Bagsak ang Highrisers sa apat na dikit na kamalasan, ang huli ay laban sa Chameleons, 20-25, 25-19, 14-25, 23-25.
Samantala, puntirya ng Cool Smashers ang pang-10 dikit na panalo sa pagharap sa High Speed Hitters.
Sa tournament format, lalabanan ng top teams ang mga lower ranked squads sa knockout round.
Ang anim na mananalo ang swak sa quarterfinals, habang ang dalawang silya ay paglalabanan ng mga matatalo sa isang play-in tournament.
- Latest