RSJ mapapalaban sa Veterans sa PBA All-Star Weekend sa Davao
MANILA, Philippines — Magkakasubukan uli ang mga bagito at beterano sa pagbabalik ng Rookies-Sophomores-Juniors vs Veterans sa 2025 PBA All-Star Weekend sa Davao Del Norte sa Mayo 2 hanggang 4.
RSJ vs Veterans ang magiging All-Star Game kapalit ng dating format tampok ang 2 koponang pinili ng mga kapitan na siyang nanguna sa All-Star Voting.
Sa nakalipas na 2 edisyon ay naging Team Japeth Aguilar vs Team Scottie Thompson at Team Mark Barroca na kagaya ng format sa NBA All-Star Game.
Bago ito ay North vs South All-Stars ang laban sa PBA bukod pa ang PBA All-Stars vs Gilas Pilipinas.
Matatandaang RSJ vs Veterans talaga ang format ng PBA All-Star buhat nang simulan ito ng Asia’s oldest professional league noong 1989.
Huling ginawa ito noong 2012 sa Ilocos Norte Centennial Arena tampok si James Yap bilang All-Star Game MVP matapos trangkuhan ang Veterans sa 176-144 panalo kontra sa RSJ.
Bukod sa RSJ vs Veterans, idaraos din sa Davao All-Star ang side events na Three-Point Shootout, Obstacle Challenge at Slam Dunk contest tulad ng mga nakaraang edisyon.
Subalit may dagdag na pakulo ang PBA tampok ang isang exhibition matches sa pagitan lang ng 20 hanggang 24 manlalaro mula sa Mindanao.
Inaasahang babandera dito sina Thompson ng Barangay Ginebra at Barroca ng Magnolia.
- Latest