PBA ceasefire muna para sa Gilas Pilipinas

MANILA, Philippines — Tigil-putukan muna ang apat na natitirang nakatindig na koponan sa 2024-2025 PBA Commissioner’s Cup semifinals upang magbigay-daan sa paghahanda ng Gilas Pilipinas para sa final window ng 2025 FIBA Asia Cup Qualifiers.
Sa Final Four schedule na inilabas ng PBA ay sa Pebrero 26 pa lalarga ang semis sa Smart Araneta Coliseum tampok ang duwelo sa pagitan ng No. 1 seed TNT Tropang Giga at No. 6 Rain or Shine pati na ng No. 1 NorthPort at No. 4 Barangay Ginebra.
Ito ay pagkatapos ng kampanya ng Gilas kontra sa Chinese Taipei sa Pebrero 20 at laban sa New Zealand sa Pebrero 23 na parehong gaganapin sa home court ng mga kalaban.
Ilan sa mga manlalarong nasa Gilas at sa PBA semis ay sina naturalized player Justin Brownlee, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Troy Rosario at Jamie Malonzo pati na si head coach Tim Cone ng Gin Kings.
Swak din sa Gilas si Calvin Oftana ng Tropang Giga.
Bago ang final window ng Asia Cup Qualifiers ay pupunta sa Doha ngayong Linggo ang Gilas para sa training camp at pocket tournament kontra sa Qatar, Lebanon at Egypt sa Pebrero 15 hanggang 17.
Pasok na ang Gilas sa mismong Asia Cup na gaganapin sa Jeddah, Saudi Arabia sa Agosto 5 hanggang 17 kaya maagang preparasyon na rin nila ito imbes na sa Qualifiers na non-bearing na sa kanila.
May 4-0 kartada ang Gilas sa Group B ng Asia Cup Qualifiers kaya nakasiguro na ng puwesto anuman ang resulta ng laban kontra sa Chinese Taipei at New Zealand.
Para sa PBA, magkakakaroon ng lagpas dalawang linggong preparasyon ang mga koponan bago magbakbakan sa semis.
Umiskor ng 94-87 panalo ang Ginebra kontra sa No. 5 Meralco sa Game 3 ng quarterfinals at wagi ang Rain or Shine sa No. 3 Converge, 112-103.
Nakapasok sa semis ang NorthPort at TNT matapos ilaglag ang No. 8 Magnolia, 113-110 at No. 7 Hong Kong Eastern, 109-93.
- Latest