Rockets pinigil ang 6-game losing skid
HOUSTON — Umiskor si Dillon Brooks ng 19 points, habang may 18 markers si Fil-Am guard Jalen Green sa 94-87 pagpapasabog ng Rockets sa Toronto Raptors.
Naglaro ang host team na wala sina injured Fred VanVleet, Alperen Sengun at Steven Adams.
Nagdagdag si Jeff Green ng season-high 14 points at tumipa si Jock Landale ng 11 markers at season-best 10 rebounds.
Tinapos ng Houston (33-20) ang kanilang six-game losing skid.
Pinamunuan ni Immanuel Quickley ang Toronto (16-37) sa kanyang 20 points.
Isang 14-2 bomba ang inihulog ng Rockets para ilista ang 77-69 bentahe sa pitong minuto sa fourth period patungo sa 86-76 paglayo.
Sa Milwaukee, bumanat si Damian Lillard ng season-high 43 points bukod sa 8 assists at 7 rebounds para banderahan ang Bucks (28-23) sa 135-127 panalo sa Philadelphia 76ers (20-32).
Sa Detroit, nagkadena si Cade Cunningham ng triple-double na 19 points, 12 assists at 10 rebounds para pangunahan ang Pistons (27-26) sa 112-102 pagpapabagsak sa Charlotte Hornets (13-37).
- Latest