Rosario ‘di lalaro sa Doha
MANILA, Philippines — Nanganganib na hindi makapaglaro si Troy Rosario sa 2nd International Friendly Basketball Championship sa Doha, Qatar na gaganapin sa Pebrero 14 hanggang 16.
Kamakailan lamang ay idinagdag si Rosario sa Gilas Pilipinas pool para punan ang mga bakanteng posisyon.
Ngunit posibleng hindi ito makalaro matapos magtamo ng injury sa tuhod sa laban ng Barangay Ginebra at Meralco sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup.
Ayon kay Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na siya ring head coach ng Barangay Ginebra, inoobserbahan pa ang lagay ng tuhod ni Rosario.
Namaga ang tuhod ni Rosario matapos itong matamaan sa Game 1 at Game 2 ng quarterfinal series ng Gin Kings at Bolts.
Nakapaglaro pa ito sa Game 3 kung saan nagtala si Rosario ng 12 points sa 94-87 panalo ng Gin Kings kontra sa Bolts noong Linggo na nagdala sa kanila sa semifinals.
Posibleng magpahinga si Rosario ng lima hanggang pitong araw para tuluyang gumaling ang tuhod nito.
Nakatakdang sumalang sa ensayo ang Gilas Pilipinas sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago tumulak sa Doha para sa friendly tournament.
Matapos ang Doha event ay babalik ang Gilas Pilipinas sa Maynila bago tumulak naman patungong Taipei, Taiwan para sa laban nito kontra sa Chinese-Taipei sa Pebrero 20.
Sunod na makakalaban ng Gilas Pilipinas ang New Zealand sa Pebrero 23 sa Auckland, New Zealand.
Malaking tulong pa naman sana si Rosario lalo pa’t nawala sa lineup si Kai Sotto na sumailalim sa operasyon dahil sa ACL injury at kasalukuyang nagpapagaling.
- Latest