Thompson, Mavs umiskor sa Celtics
BOSTON -- Nagsalpak si Klay Thompson ng 25 points, habang may 15 rebounds si center Daniel Gafford sa 127-120 pagsapaw ng Dallas Mavericks sa nagdedepensang Celtics sa kanilang NBA Finals rematch.
Hindi pa naglalaro ang bagong hugot na si big man Anthony Davis para sa Dallas (27-25) dahil sa kanyang abdominal strain.
Pinamunuan ni Jaylen Brown ang Boston (36-16) sa kanyang 25 points kasunod ang 22 markers ni Spencer Dinwiddie mula sa bench.
Nagdagdag si Payton Pritchard ng 21 points, habang may 17 markers si Jayson Tatum para sa Celtics na iniwanan ng Mavericks sa second half.
Ang dalawang sunod na three-point shot ni Kyrie Irving ang naglayo sa Dallas sa 117-90 sa kaagahan ng fourth period.
Mula rito ay hindi na nakabangon ang Boston.
Sa Los Angeles, nagsumite si LeBron James ng 42 points, 17 rebounds at 8 assists sa 120-112 paggupo ng Lakers (30-19) sa Golden State Warriors (25-26).
Hindi pa naglalaro si guard Luka Doncic matapos makuha ng Lakers sa Mavericks kapalit ni Davis.
Nakipag-ensayo naman si Jimmy Butler sa Warriors matapos mahugot mula sa Miami Heat kapalit ni Andrew Wiggins at iba pa
Sa Denver, humakot si Nikola Jokic ng 28 points, 12 assists at 10 rebounds para sa kanyang ika-24 triple-double sa season at akayin ang Nuggets (33-19) sa 112-90 panalo sa Orlando Magic (25-28).
Sa Minneapolis, kumolekta si forward Anthony Edwards ng 41 points, 7 rebounds at 6 assists sa 127-114 pagpulutan ng Minnesota Timberwolves (29-23) sa Houston Rockets (32-19).
Sa Inglewood, California, tumipa si forward Pascal Siakam ng 33 points para tulungan ang Indiana Pacers (29-21) sa 119-112 panalo laban sa Clippers (28-23).
- Latest