Ika-2 sunod kinalawit ng high speed hitters

MANILA, Philippines — Kumonekta ang PLDT Home Fibr sa kanilang ikalawang dikit na panalo matapos walisin ang Farm Fresh, 25-20, 25-17, 25-19, sa 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Itinaas ng High Speed Hitters ang kanilang baraha sa 6-3 para solohin ang ikatlong puwesto sa team standings at binigo ang Foxies sa hangad na back-to-back wins at bumagsak sa 4-5 marka.
Bumanat si Fil-Canadian Savi Davison ng 26 points mula sa 23 attacks at tatlong blocks para banderahan ang PLDT.
Nagdagdag si Mika Reyes ng 10 markers habang may siyam, walo at anim na marka sina Erika Santos, Majoy Baron at Fiola Ceballos, ayon sa pagkakasunod.
May 11 excellent digs din si Ceballos para sa kanilang floor defense.
“Alam po namin na hindi sila basta-basta magpapatalo,” ani High Speed Hitters rookie setter Angge Alcantara na nagtala ng 12 excellent sets at apat na puntos. “Happy naman po kami na na-dominate namin iyong game.”
Pinamunuan ni Trisha Tubu ang Foxies sa kanyang siyam na puntos kasunod ang anim na marka ni Caitlyn Viray.
Hindi pinasingit ng PLDT ang Farm Fresh sa first at second set bago nahirapan sa third frame.
Itinabla ni Rachel Anne Daquis ang Foxies sa 14-14 at huli silang nakalapit sa 19-21 matapos ang atake ni Tubu.
Hinataw naman ni Davison ang huling apat na puntos ng High Speed Hitters para kumpletuhin ang kanilang straight sets win.
“Happy naman from the win last time, nagtutuluy-tuloy,” wika ni PLDT coach Rald Ricafort. “Iyong lesson lagi sa amin iyong mawala iyong complacency at tsaka mas maging consistent pa.”
Sunod nilang lalabanan ang nagdedepensang Creamline sa Pebrero 15 sa Ynares Center sa Antipolo City.
- Latest