Converge kabado sa RoS
MANILA, Philippines — Aminado si Converge coach Franco Atienza na mahirap kalaban ang Rain or Shine ni mentor Yeng Guiao.
Lalo na sa kanilang best-of-three quarterfinals series sa Season 49 PBA Commissioner’s Cup.
“They are a running team, a three-point shooting team and talagang ang mga guards nila will give us problems. So we need to control that, their running game, their outside sniping,” ani Atienza sa kanilang laro ngayong alas-5 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang upakan ng No. 3 FiberXers at No. 6 Elasto Painters ay magtutuos ang No. 4 Ginebra Gin Kings at No. 5 Meralco Bolts sa alas-7:30 ng gabi.
May bitbit namang ‘twice-to-beat’ advantage ang No. 1 NorthPort Batang Pier laban sa No. 8 Magnolia Hotshots at ang No. 2 TNT Tropang Giga kontra sa No. 7 Eastern.
Tinalo ng Converge ang Rain or Shine, 103-96, sa una nilang pagtutuos kung saan nakabalik ang FiberXers mula sa isang 17-point deficit para takasan ang Elasto Painters.
“Hindi kami agrabyado. Ang problema lang namin ngayon paano namin tatalunin ng dalawang beses ‘yung Converge,” ani Guiao.
Muling aasahan ng FiberXers sina import Cheick Diallo, Alec Stockton, Justine Baltazar, Justin Arana at Jordan Heading kontra kina reinforcement Dion Thompson, Adrian Nocom, Andrei Caracut, Anton Asistio at Leonard Santillan ng Elasto Painters.
Sa ikalawang laro, mag-uunahan din sa pagtatala ng 1-0 lead sa kanilang serye ang Ginebra at Meralco.
May 4-0 record si import Justin Brownlee at ang Gin Kings sa Bolts ngayong season, kasama rito ang 3-0 sweep sa kanilang best-of-five quarters showdown sa nakaraang Governors’ Cup.
- Latest