PVL All-Filipino Conf. magiging balikatan
MANILA, Philippines — Anim na buwang hitik sa aksyon ang matutunghayan ng mga fans sa inaabangang 2024-25 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.
Mangunguna sa mga koponan ang reigning ‘Grand Slam’ titleholder Creamline, habang ilang tropa ang nagpalakas para maagaw ang korona.
“With the depth of talent in the league, fans can look forward to a truly competitive conference,” sabi kahapon ni PVL president Richard “Ricky” Palou. “This season, we’ve seen teams making strategic moves to enhance their rosters, which should make for some exciting matchups and surprises along the way.”
Opisyal na magbubukas ang torneo sa Sabado sa Philsports Arena sa Pasig City.
Unang sasalang ang Akari laban sa Galeries Tower sa alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng All-Filipino Conference finalist Choco Mucho at Petro Gazz sa alas-6:30 ng gabi para sa ikalawang laro.
Bukod sa Creamline, Choco Mucho, Akari, Petro Gazz at Galeries Tower, tatarget din ng titulo ang Cignal HD, PLDT Home Fibr, Chery Tiggo, Capital1 Solar Energy, Nxled, ZUS Coffee at Farm Fresh.
Ang Cignal TV ang maghahatid ng mga aksyon sa mga volleyball fans.
Matapos ang single round-robin preliminaries, ang mga koponan ay bibigyan ng ranggong 1 hanggang 12 na ayon sa FIVB Classification system.
Sa qualifying round ay maglalaban ang mga tropa base sa kanilang final rankings patungo sa playoffs kung saan aabante ang dalawang maglalaban sa finals.
“The alignment of our schedule with the international FIVB calendar is an exciting development for Philippine volleyball,” wika ni PVL Control Committee chairman Sherwin Malonzo.
- Latest