Midnight Bell aabangan sa 2YO Maiden Race
MANILA, Philippines — Nakatutok ang mga liyamadista sa Midnight Bell sa pagsalang nito sa 2-Year-old Maiden Race bukas sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Paniguradong pinag-aaralan na ng mga karerista ang programa ng karera para masilip kung sino ang puwedeng makatalo sa Midnight Bell na sasakyan ni Philippine Sportswriters Association, (PSA) Jockey of the Year awardee Jonathan Basco Hernandez.
Makakatagisan ng bilis ng Midnight Bell sa distansyang 1,200 meter ang tatlo pang tigasing kabayo sa event na nakataya ang P22,000 added prize para sa winning horse owner.
Makikipag-unahan hanggang sa finish line ang Panata, Amariah at Bagong Silangan sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission.
Hahamig din ang breeder ng mananalong kabayo ng P4,500, tatanggap ng P1,000 at P500.00 ang second at third placers, ayon sa pagkakasunod.
Base sa komento ng ibang karerista sa social media, posibleng magbigay ng magandang laban ang Panata na gagabayan ni jockey John Sajhed De Ocampo.
Pasisibatin ang nasabing karera sa Race 1 ng alas-5 ng hapon kung saan ay simula rin ng winner-take-all (WTA) na isa sa paboritong tayaan ng mga karerista.
Samantala, pitong karera ang inihanda ng Metro manila Turf Club Inc. (MMTCI) kaya inaahasang magiging masaya ang mga karerista.
- Latest