Knights sumandal kay Javillonar
MANILA, Philippines — Sa kanyang pagbabalik ay iginiya ni Pao Javillonar ang Letran College sa 86-79 paggupo sa Arellano University sa NCAA Season 100 men’s basketball kahapon sa FilOil EcoOil Centre sa San Juan City.
Bumanat ang graduating big man ng career-best 28 points para gabayan ang Knights sa 2-1 record tampok ang dalawang sunod na panalo at ibinagsak ang Chiefs sa 0-3.
Nagmula si Javillonar sa isang two-game suspension dahil sa paglalaro para sa Converge sa nakaraang 39th Kadayawan Invitational Basketball Tournament sa Davao City noong Hulyo.
Hinugot ng FiberXers ang 6-foot-5 forward sa second round ng nakaraang PBA Season 49 Rookie Draft, ngunit nagdesisyong tapusin muna ang kanyang collegiate career.
“Iyong suspension ko ng dalawang games ginawa kong motivation,” wika ni Javillonar. “Sa bawat negative sa buhay dapat maging positive ka lang always.”
Kinailangan ng Letran na bumangon mula sa 13-point deficit, 46-59, sa Arellano sa third period para tuluyang agawin ang 80-79 abante mula sa three-point play ni Javillonar sa huling 2:42 minuto ng fourth quarter.
Mula rito ay hindi na bumitaw ang Knights na nakahugot kay Jimboy Estrada ng 14 points kasunod ang 11 markers ni Jace Miller.
Pinamunuan ni Maverick Binoya ang Chiefs sa kanyang 16 points.
Sa ikalawalang laro, pinatumba ng Emilio Aguinaldo College ang nagdedepensang San Beda University, 68-55.
Ito ang unang panalo ng Generals (1-2) sa Red Lions (2-2) simula noong 2009 matapos ang 27 dikit na kamalasan.
- Latest