NU babangon agad vs FEU
MANILA, Philippines — Pakay ng National Univeristy na bumangon mula sa pagkakadapa sa pagharap nila sa Far Eastern University sa UAAP Season 87 collegiate men’s basketball tournament na lalaruin sa Smart Araneta Coliseum ngayong araw.
Kahit natalo sa una nilang laro, markado pa rin ang Bulldogs na sasampa sa Final Four dahil pinahirapan nila ang defending champion De La Salle University, 75-78 noong Linggo.
Masaklap ang pagkatalo ng NU matapos isalpak ni regning MVP Kevin Quiambao ang game-winning triple para sa Taft-based squad.
Kakalimutan ng Bulldogs ang kanilang unang kabiguan sa pagsimula ng kanilang laban ng mga batang Tamaraws na minamanduhan ni PBA great Sean Chambers sa alas-4:30 ng hapon.
Para naman sa FEU, bahagyang nangangapa pa sila dahil sa sistema ng kanilang bagong coach, inaaral pa nila ang triangle offense system nito.
Sa katunayan maganda ang simula ng laro ng Tamaraws pero naging matatag ang Adamson University Soaring Falcons sa second half kaya yumuko sila sa unang laro, 47-59.
Magkasalo sa tuktok ng team standings ang La Salle at University of Sto. Tomas na kapwa tangan ang 2-0 cards.
Sa women’s division, tatangkain naman ng dating kampeon NU na sakmalin ang pangalawang sunod na panalo kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa alas-11:30 ng umaga.
- Latest