Rubilen reyna sa World 9-Ball
MANILA, Philippines — Namayagpag na naman ang bandila ng Pilipinas sa worlds stage matapos magkampeon si Rubilen Amit sa prestihiyosong 2024 WPA Women World 9-Ball Championship kahapon na ginanap sa Claudelands Events Centre sa Hamilton, New Zealand.
Nagrehistro si Amit ng gitgitang 3-1 panalo laban kay Chen Siming ng China sa championship round para matamis na angkinin ang kampeonato.
Si Amit ang kauna-unahang Pinay cue master na nakasungkit ng World 9-Ball crown.
“She played really well especially in the first set. I was having difficult time adjusting my stance. I started really slow so I was really hopeful that I could pick it up towards the second set,” ani Amit.
Napasakamay ni Amit ang tumataginting na $50,000 premyo o mahigit P2.7 milyon habang nagkasya lamang si Chen sa runner-up purse na $30,000 (P1.6 milyon).
“I am very fortunate that it happened the way that it did,” ani Amit.
Sa kabuuan, may tatlong world titles na si Amit.
Nauna na itong nagkampeon sa World 10-Ball events noong 2009 at 2013 edisyon.
Tatlong beses sumubok si Amit bago makuha ang World 9-Ball title.
Nagtapos ito bilang runner-up noong 2007 habang nakaabot lamang ito sa semifinals noong 2018 at 2019 edisyon.
Nakapasok sa finals si Amit nang pataubin nito sa knockout round ang kababayang si Chezka Centeno, 3-1, sa first round, kasunod si Wei Tzu-Chien sa quarterfinals (3-2) at Krtisina Tkach sa semis (3-2).
- Latest