PBA 49th Season maraming pakulo
MANILA, Philippines — Sa pangunguna ng makasaysayan na four-point line, magpaparada ng maraming pakulo ang PBA para sa 49th Season nito na magsisimula sa Governors’ Cup sa Linggo sa Smart-Araneta Coliseum tampok ang opening game sa pagitan ng Meralco at Magnolia.
Isa lamang ang four-point line na kauna-unahan sa kahit anong professional league ang isa sa mga bagong rules ng PBA matapos aprubahan unanimously ng PBA Board of Governors sa kanilang planning session noong nakaraang buwan sa Japan.
Dagdag na arc line na may layong 27 feet mula sa basket bukod sa tradisyunal na 23-feet line na three-point shot sa lahat ng liga sa buong mundo.
Nauna na itong ipinakilala ng PBA sa 2024 PBA All-Star Weekend sa Bacolod nang bumira ng five-point play si Robert Bolick mula sa four-point line upang maitabla ang laban mula sa 135-140 deficit.
Bagama’t nagawa na rin ito ng ibang liga tulad ng NBA at WNBA sa kanilang All-Star Games, ang PBA bilang unang pro league sa Asya ang magiging pinakauna sa buong mundo.
“Today we’re alone. Tomorrow, we’ll be plenty,” ani PBA Board of Governors chairman Ricky Vargas ng Talk ‘N Text sa preseason press conference kahapon sa Edsa Shangri-La dagdag ang punto na marami ring kritisimo nang magsimula ang 3-point line noon sa Amerika.
Bukod sa four-point line, tinanggal na rin ng PBA ang over the backboard violation maliban kung tatama sa shot clock, suspension of play ng hanggang 15 segundo lang para sa injuries o mapipilitan silang mag-mandatory substitution at pagbibigay lang ng warning sa coaches sa pagpasok sa court imbes na technical foul agad.
Para sa Governors’ Cup, tinanggal ng PBA ang bentahe para sa mga top-ranked teams dahil best-of-five na lahat ang magiging laban sa quarterfinals.
Ito ay matapos ang double-round eliminations sa unang pagkakataon para sa dalawang grupo (Converge, Terrafirma, NorthPort, Talk ‘N Text, Magnolia, Meralco sa Group A habang Blackwater, Phoenix, NLEX, Rain or Shine, Meralco, San Miguel, Ginebra sa Group B tampok ang top 4 teams kada grupo sa quarterfinals.
- Latest