La Salle kampeon sa WUBS
MANILA, Philippines — Nagpaulan ng pana ang La Salle upang tambangan ang Korea University at kopohin ang titulo ng 2024 World University Basketball Series kamakalawa ng gabi sa Tokyo, Japan.
Nagpakawala ng walang humpay na birada ang Green Archers sa fourth quarter upang kumalas sa palabang Koreans, sakay ng 15-0 ratsada tungo sa tagumpay.
Sa kabuuan, nawalis ng UAAP champion na La Salle ang buong torneo matapos ang 117-71 panalo kontra Perbanas Institute ng Indonesia at 87-82 overtime win kontra sa dating kampeon na National Chengchi University ng Chinese Taipei.
Sumikwat ng 15 puntos at 11 assists na double-double si UAAP MVP Kevin Quiambao sahog pa ang 6 na rebounds upang hiranging Tournament MVP.
Nag-rehistro si Quiambao ng kumpletong 15.67 points, 9.3 rebounds at 5.67 assists sa 4-0 sweep ng La Salle bago makakuha ng solidong ambag sa mga kakampi sa finals.
Ito ang ikalawang WUBS title ng Pilipinas matapos ding pagharian ng Ateneo ang unang edisyon nito tampok ang mga pinakamagagaling na unibersidad sa buong mundo noong 2022.
Para sa La Salle, dagdag ito sa kanilang pre-season championships matapos ding magwagi sa PBA D-League Aspirants’ Cup at Pinoyliga Collegiate Cup bilang paghahanda para sa kanilang title defense sa UAAP Season 87.
- Latest