Sarno tututok sa 2028 LA Games
MANILA, Philippines — Handa si Vanessa Sarno na bumawi sa 2028 LA Olympics matapos ang masaklap na kampanya nito sa Paris Games.
Walang nakuhang medalya si Sarno sa Paris Games matapos maagang maaalam sa kontensiyon sa women’s 71kg class.
Bigo si Sarno na mabuhat ang 100 kg. sa snatch pa lamang.
Tatlong beses sumubok si Sarno. Subalit hindi nito nakayanan ang naturang timbang dahilan para maaga itong masibak at hindi na makapagpatuloy pa sa clean and jerk.
Masaklap na kampanya ito para kay Sarno na hawak ang Philippine national record na 110 kg.
Aminado si Sarno na may pinagdadaanan ito bago sumabak sa Paris Games.
“Hindi naman po na-pressure. Frustrations po siya sa lahat ng mga taong nakapaligid sa amin kasi sobrang toxic ng environment. Pangit po kapag ganun ang environment while preparing for the Olympics,” ani Sarno.
Hindi handa si Sarno sa mga usaping mental sa edad na 20-anyos.
“Aminado po ako na naging mahina po ang mentality ko pagdating sa mga tao na nasa paligid ko po na sobrang toxic,” ani Sarno.
Kaya naman gagawin nito ang lahat upang muling makabalik sa Olympics at ipakita ang kanyang husay.
“Gusto ko lang sabihin sa lahat ng sumusuporta sa akin na patuloy n’yo lang po ako suportahan at abangan n’yo po ako sa susunod na Olympics,” dagdag ni Sarno.
May mga panahon na nais na ni Sarno na sumuko dahil sa mga pagsubok na nararanasan nito.
Subalit hindi bumitiw si Sarno sa kanyang pa-ngarap at ipinagpatuloy pa rin ang kanyang laban sa Paris Games.
- Latest