9 teams bibida sa MPVA
MANILA, Philippines — Pinalakas at pinadaming cast ang bibida sa bagong season ng Maharlika Pilipinas Volleyball Association (MPVA) simula sa Linggo sa Strike Gym sa Bacoor City.
Mula sa walo, akyat sa siyam na koponan ang maghahampasan sa ikalawa subalit unang full regular season ng MPVA matapos pagwagian ng Bacoor Strikers ang inaugural season noong Disyembre.
Bukod sa Bacoor, hahataw sa MPVA ang second-placer na Negros at third-placer na Marikina kasama ang mga nagbabalik na teams na Biñan, Rizal, San Juan at Caloocan.
Bagong papaparada naman ang Quezon Province at Valenzuela habang wala muna ngayong season ang Nasipit mula sa Agusan del Norte matapos ang kanilang paglahok sa inaugural season.
Tampok sa roster ng mga koponan ang mga dating pro volleyball players, varsity athletes at tatlong homegrown players mula sa kani-kanilang mga bayan.
Magbabardagulan sa double-round eliminations ang lahat ng koponan kumpara sa single round lang sa inaugural season tampok ang Top 4 teams na makakapasok sa semifinals. Hahawak ng twice-to-beat incentives ang Top 2 teams pagdating sa Final Four.
Subalit higit sa pinakamatinding kompetisyon, panibagong hakbang ito ni boxing legend at dating senador Manny Pacquiao para bigyan ng oportunidad ang mga nangangarap na atleta at mapalakas ang ibang sports hindi lang ang basketball.
- Latest