Aira tuloy ang journey matapos ang Paris
PARIS — Hindi natatapos sa kanyang semifinal lost sa 2024 Olympic Games ang journey ni national lady boxer Aira Villegas.
“Siyempre po sa future trabaho pa rin. Hindi natatapos dito ang lahat,” wika ni Villegas matapos ang kanyang unanimous decision lost kay Buse Naz Cakiroglu ng Turkey sa semifinals ng women’s 50 kg division sa Court Philippe Chatrier sa loob ng Roland Garros.
Dahil dito ay nakuntento ang Pinay fighter sa bronze medal.
“Talagang magaling, mas technical,” sabi ni Villegas kay Cakiroglu na tumalo rin sa kanya sa quarterfinals ng 2022 World Championship.
Ang Turkish boxer ay isang dating world champion at Tokyo Games silver medal winner.
Naniniwala si national coach Reynaldo Galido na si Villegas ang tunay na nanalo sa kanilang laban ni Cakiroglu.
“Tinamaan ni Aira ng right straight, knockdown iyon. Kung binilangan, puwedeng maging 3-2 at puwedeng nagbago ang laban sa third round. Puwedeng maging agrisibo iyong Turkish at may tsansa si Aira kung nag-engage,” ani Galido.
Binigyan si Villegas ng referee ng isang standing eight count sa first round. “Mahinang tama lang, hindi ko nga naramdamam,” sabi ni Villegas.
Ang tubong Tacloban, Leyte ang pinakabagong nagbigay ng Olympic boxing medal sa bansa at nakasama sina Jose Villanueva (1932), Anthony Villanueva (1964), Leopoldo Serantes (1988), Roel Velasco (1992), Onyok Velasco (1996), Nesthy Petecio (2020), Carlo Paalam (2020) at Eumir Marcial (2020).
Ang boxing ang ‘bread and butter’ ni Villegas kung saan ang natatanggap niyang monthly allowance at incentives ang tumutulong sa kanyang pamilya sa mga gastusin araw-araw.
Nakatulong din ito nang manalasa ang bagyong ‘Yolanda’ sa Tacloban noong 2013.
- Latest