Ika-4 sunod pakay ng Creamline
MANILA, Philippines — Makikipaghiwalay ang Creamline sa dalawang kasosyo sa liderato sa Pool A papasok sa second round ng 2024 Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference.
Lalabanan ng Cool Smashers ang Nxled Chameleons ngayong alas-3 ng hapon matapos ang bakbakan ng PLDT High Speed Hitters at Farm Fresh Foxies sa ala-1 ng hapon sa Philsports Arena sa Pasig City.
Sa huling laro sa alas-5 ng hapon ay magtutuos ang Chery Tiggo Crossovers at Galeries Tower Highrisers.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline, PLDT at Chery Tiggo sa magkapareho nilang 3-1 record kasunod ang Farm Fresh (2-2), Nxled (1-3) at Galeries Tower (0-4).
Ang top three teams sa Pool A ang sasagupa sa bottom three sa Pool B sa crossover round na magsisimula sa Sabado.
Nasa three-game winning streak ang Cool Smashers matapos matalo sa High Speed Hitters sa una nilang laro sa torneo, habang tatlong sunod na kabiguan ang nalasap ng Chameleons.
Nagmula ang Creamline sa 27-25, 26-28, 29-27, 25-19 panalo sa Galeries Tower kung saan bumanat si American import Erica Staunton ng 29 points mula sa 25 attacks, tatlong blocks at isang service ace.
- Latest