Team USA sasagupa sa Serbia sa semis
MANILA, Philippines — Tulad ng inaasahan ay nag-martsa na sa semifinals nang wala halos galos ang Team USA matapos pulbusin ang Brazil, 122-87 sa Paris Olympics men’s basketball quarterfinals kahapon sa Bercy Arena.
Anim na players ang bumomba ng double digits para sa mga paboritong Amerikano sa pangunguna nina Devin Booker at Anthony Edwards na may 18 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Umayuda ng 14, 13, 12 at 11 puntos sina Joel Embiid, Anthony Davis, LeBron James at Kevin Durant, ayon sa pagkakasunod, para sa Team USA na winalis ang Group C, 3-0, para makapasok sa Top 8.
Sunod na makakaharap ng USA ang Serbia, na binura ang 24-point deficit upang silatin ang Australia, 95-90.
Magtutuos naman sa kabilang semifinal bracket ang reigning World Cup champion na Germany at host France.
Magsisilbing rematch ito sa dalawang darkhorse teams matapos ang 85-71 panalo ng Germany sa France sa elimination rounds.
Sinilat naman ng France ang Canada, 82-73, matapos ang unbeaten run nito sa group phase.
- Latest