Istulen Ola sasali sa Sprint Race
MANILA, Philippines — Naghayag ng paglahok ang Istulen Ola sa 2024 PHILRACOM “4-Year-Old Sprint Race” na ilalarga sa Agosto 25 sa Metro Turf, Malvar - Tanauan City, Batangas.
Makakatagisan ng bilis ng 2024 Commissioner’s Cup I champion, Istulen Ola ang Basheirrou, Gusto Mucho, Secretary at Sky Story sa distansyang 1,000 meter race kung saan may P300,000 garantisadong premyo na ikakalat sa unang apat na kabayong tatawid sa meta.
Gagabayan ni reigning Philippine Sportswriters Association, (PSA) - Jockey of the Year awardee John Alvin Guce ang Istulen Ola na puntirya na masungkit ang P180,000 premyo.
Base sa komento ng mga karerista, posibleng magbigay ng magandang laban sa Istulen Ola ang Gusto Mucho at Sky Story na mga rerendahan naman nina star jockey Patty Ramos Dilema at Pabs Cabalejo, ayon sa pagkakasunod.
Mag-uuwi ang second placer ng P67,500 habang P37,500 at P15,000 ang third at fourth sa event na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM).
Ibubulsa naman ng breeder ng mananalong kabayo ang P15,000 habang P9,000 at P6,000 ang pangalawa at tersero puwesto.
Tiyak na bakbakan agad ang limang matutulin na kabayo sa largahan upang makapuwesto ng maganda sa unahan.
- Latest