Diaz nasa Paris na
MANILA, Philippines — Kasado na si Olympic champion Hidilyn Diaz para mag-cheer sa mga natitirang Pinoy athletes na lalaban sa 2024 Olympic Games.
Nakita sa post ni boxer Hergie Bacyadan sa social media na kasama nito si Diaz at iba pang atleta gaya ni Tokyo Olympics bronze medalist Eumir Marcial.
Inaasahang magkikita rin sina Diaz at gymnast Carlos Edriel Yulo na sariwa pa sa matamis na pagkopo ng dalawang gintong medalya para sa Team Philippines.
Nasa Paris si Diaz bilang bahagi ng opisyales ng International Weightlifting Federation (IWF) Athletes’ Commission kung saan miyembro ito ng executive board.
Kabilang sa mga babantayan ni Diaz ang mga katropa nito sa weightlifting na sina John Ceniza, Elreen Ando at Vanessa Sarno.
Nakatakdang sumalang ngayong araw si Ando sa women’s 59kg class sa South Paris Arena 6.
Nakatakda ang laban ni Ando sa alas-9 ng gabi (oras sa Maynila).
Pakay ni Ando na malampasan ang kanyang seventh-place finish noong Tokyo Olympics sa women’s 64kg class.
Mapapalaban ng husto si Ando kontra sa mga paboritong lifters na sina Luo Shifang ng China, Kamila Konotop ng Ukraine at Maude Charron ng Canada.
May 228kg personal best si Ando. Malayo ito sa 248kg ni Luo, 236kg ni Konotop at 236kg ni Charron.
Kailangan ni Ando ng 237kg o higit pa para makapasok sa podium.
Kasama rin sa mga lalaban sa dibisyon ni Ando sina defending champion Kuo Hsing-Chun ng Chinese-Taipei, Yenny Alvarez ng Colombia, Dora Tchakounte ng France, Janeth Gomez Valdivia ng Mexico, Mathlynn Sasser ng Marshall Islands, Lucrezia Magistrisng Italy, Anyelin Venegas Valera ng Venezuela atRafiatu Lawal ng Nigeria.
- Latest