Buong bansa tumutok kay Yulo
MANILA, Philippines — Nagbunyi ang buong Pilipinas sa matikas na ipinamalas ni Carlos Edriel Yulo matapos itong makasiguro ng gold medal sa Paris Olympics.
Kaya naman kani-kanya na ang mainit na pagbati kay Yulo mula sa mga kababayan nito hanggang sa mga kapwa atleta, opisyales at mga celebrities.
Nangunguna na sa listahan si Tokyo Olympics gold medalist Hidilyn Diaz na may mensahe sa kanyang post sa social media.
Proud na proud si Diaz sa tagumpay ni Yulo.
“Para sa iyo, Caloy: Proud ako sa iyo. I-enjoy mo ang bunga ng pinagpaguran mo. At lagi mong ibabalik - sa Diyos at bayan, dahil lahat ng tagumpay natin ay hindi pansarili,” ani Diaz.
Nakatakdang tumulak sa Paris si Diaz sa Agosto 7 bilang bahagi ng International Weightlifting Federation.
“Salamat sa lahat ng maganda at mabuting ginagawa at gagawin mo pa para sa Diyos at bayan,” dagdag nito.
May mensahe rin si world No. 2 pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena na ibinahagi ito sa kanyang Instagram story.
“Yes, sir!” ani Obiena na magtatangkang kumana ng medalya sa men’s pole vault finals bukas ng madaling araw (Martes sa Maynila).
Naglabas din ng larawan si Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino kasama si Yulo sa Bercy Arena sa Paris.
Hindi rin pahuhuli ang asosasyon nitong Gymnastics Association of the Philippines (GAP).
- Latest