Yulo pakay ang gold sa vault
MANILA, Philippines — Puntirya ni world champion Carlos Yulo na maiuwi ang gintong medalya sa men’s vault event sa 2024 Paris Olympics men’s artistic gymnastics vault finals na lalarga ngayong gabi sa Bercy Arena sa Paris.
Aarangkada ang finals sa alas-10:24 ng gabi (oras sa Maynila) kung saan inaasahang ilalabas ni Yulo ang pinakamatikas na performance nito upang makasungkit ng medalya.
Sa qualifying round, maganda ang ipinamalas ni Yulo dahilan para okupahan nito ang ikaanim na puwesto at masiguro ang tiket sa final round.
Nakasungkit ito ng 14.683 puntos sa qualifying round.
Ngunit mas umangat pa ang puntos ni Yulo sa all-around final kung saan naitala nito ang 14.766 puntos dahil sa mas mataas na difficulty.
Mapapalaban si Yulo sa vault kontra kina Filipino-British Jake Jarman, Xiao Ruoteng ng China at Daiki Hashimoto ng Japan na siyang nanguna sa vault sa all-around finals.
Nagtala si Jarman ng 15.166 puntos habang may 14.833 naman si Ruoteng at 14.766 si Hashimoto.
Pakay ni Yulo na malampasan ang kanyang fourth-place finish noong 2020 Tokyo Olympics sa Japan.
Kinapos lamang si Yulo ng 0.17 puntos para sana makuha ang tanso sa Tokyo Olympics.
- Latest