Gilas Boys minalas sa Argentina
MANILA, Philippines — Tumiklop uli ang Gilas Boys subalit sa pagkakataong ito ay nakapagpamalas ng mas malakas na laban tungo sa 83-67 kabiguan kontra sa Argentina sa classification rounds ng 2024 FIBA U17 World Cup sa Sinan Erdem Dome sa Istanbul, Turkey.
Matatandaang hindi nakaporma ang Gilas Boys sa unang apat na laban nito na nagresulta sa panay tambak na kabiguan upang malaglag sa kontensyon ng world youth championships.
Unang yumukod ang Gilas Boys, world No. 25, kontra sa No. 7 na Lithuania, 107-48, No. 2 na Spain, 96-34 at No. 15 na Puerto Rico, 98-53, para mabokya sa Group A.
Pero nalasap nila ang pinakamasaklap na kabiguan sa Round of 16 nang kaldagin sila ng reigning champion at world No. 1 USA, 141-45.
Kontra sa world No. 16 na Argentina, disente ang naging simula ng Gilas Boys bago malubog uli ng hanggang 29 puntos.
Subalit nagpakita ng angas ang mga Filipino ballers nang magpakawala ng 15-0 ratsada sa fourth quarter tungo sa katanggap-tanggap na pagkatalo.
Kumamada si Kurt Nathan Velasquez ng 17 puntos tampok ang 3 tres sahog pa ang 3 rebounds, 4 assists at 2 steals habang may 15, 13 at 12 puntos sina Bonn Ervin Daja, Edryn Morales at Joaquin Gabriel Ludovice, ayon sa pagkakasunod.
Bumida naman sina Martin Torriani at Tyler Kropp na may 15 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod, para sa Argentina na makakaharap ang Egypt sa 9th hanggang 12th classification phase.
Laglag sa 13th hanggang 16th ang Gilas at sunod na makakaharap ang kapwa Asian team na China.
- Latest