Perpetual, Letran diretsong semis
MANILA, Philippines — Pinagpag ng University of Perpetual Help System Dalta ang PSP Gymers, 97-90, upang umabante sa semifinals ng 2023 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Paco Arena sa Maynila.
Sinulit ng Altas ang twice-to-beat advantage nito bilang No. 3 seed nang sumakay sa 11-2 ratsada sa huling tatlong minuto para sibakin sa kontensyon ang No. 6 na Gymers sa quarterfinals.
Makakaharap ng Perpetual ang No. 2 seed at reigning champion na EcoOil-La Salle sa best-of-three semifinals.
“Parang ‘di pang-quarterfinals ‘yung laro namin nung una pero di kami pwedeng ‘di manalo ngayon after our pep talk with our school owner,” ani coach Myk Saguiguit matapos ganahan ang mga bataan niya sa sinabi ni Dr. Antonio Tamayo bago ang laban.
“It’s our first time in the D-League semifinals after three stints. It’s our first time to reach this feat so sana maging maganda.
Tumikada ng 20 puntos, 5 rebounds, 4 assists, 2 steals at 1 tapal si Cyrus Nitura, na binanderahan ang pambihirang finishing kick ng Perpetual mula sa 86-88 deficit sa huling 2:55 marka.
Sa ikalawang laro, kumawala ang Wangs Basketball @27 Strikers-Letran sa overtime upang daigin ang Centro Escolar U, 95-87, at makapagtakda ng semifinal duel kontra sa karibal at No. 1 na Marinerong Pilipino-San Beda.
Humataw ng 27 puntos si Kurt Reyson upang giyahan ang comeback win ng Knights mula sa 10-point deficit sa huling tatlong minuto ng regulation at maiganti ang 92-85 OT loss nila kontra sa Scorpions sa elims.
- Latest