Pinoy lifters bumuhat ng 1 gold, 1 silver sa World Youth
MANILA, Philippines — Mainit na sinimulan ng Pinoy lifters ang kampanya nito matapos kumana ng isang ginto at isang pilak na medalya sa pagsisimula ng prestihiyosong 2023 IWF World Youth Championships na ginaganap sa Durres, Albania.
Nanguna sa ratsada ng Pilipinas sina Prince Keil Delos Santos at Eron Borres na sumiguro ng ginto at pilak, ayon sa pagkakasunod, sa men’s 49kg. division.
Umiskor si Delos Santos ng kabuuang 205 kgs. (total) mula sa 92 kgs. sa snatch at 113 kgs. sa clean and jerk para masiguro ang gintong medalya.
Nakumpleto naman ni Borres ang 1-2 punch ng Pinoy squad nang magrehistro ito ng kabuuang 201 kgs. (total) matapos magtala ng 87 kgs. sa snatch at 114 kgs. sa clean and jerk para angkinin ang pilak na medalya.
Pumangatlo lamang si Dhanush Loganathan ng India na nakalikom ng 200 kgs. sa total galing sa 88 kgs. sa snatch at 112 kgs. sa clean and jerk.
Ito ang ikalawang major international tournament ni Delos Santos na nakapagpartisipa na rin sa 2022 Asian Youth Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Pangarap nina Delos Santos at Borres na makapasok sa Olympic Games partikular na sa 2028 edisyon na idaraos sa Los Angeles, California sa Amerika.
“To be Olympic champions. The 2028 Games in Los Angeles,” ani Delos Santos.
- Latest