Chalmers bumida sa Valientes
MANILA, Philippines — Magilas ang naging debut ni dating NBA champion Mario Chalmers para sa Zamboanga Valientes matapos ang 92-82 panalo kontra sa Macau Black Bears sa pagpapatuloy ng 2023 ASEAN Basketball League (ABL) Invitational sa MABA Stadium sa Kuala Lumpur.
Tumabo ng 19 points at 7 assists ang 36-anyos na si Chalmers upang tulungan ang Zamboanga na maputol ang three-game losing skid sa pagbabalik ng regional league sa South East Asia.
Nagdagdag din ng tatlong tres bukod sa tatlong rebounds at isang steal si Chalmers na dating starting point guard ng Miami Heat at malaki ang naging ambag sa kanilang dalawang NBA championship kasama sina LeBron James, Dwyane Wade at Chris Bosh.
Nagdagdag naman ng 21 markers at 9 rebounds si Antonio Hester na magiging replacement import ng Magnolia sa 2023 PBA Governors’ Cup.
May 11 points si Rudy Lingganay para banderahan ang local crew ng Philippine team na umangat sa 4-5 kartada para sa ika-6 na puwesto ng 8-team ABL.
Mamumuno si Chalmers sa Zamboanga na misyong maghari ulit ang Pilipinas sa ABL matapos ang tagumpay ng Philippine Patriots, San Miguel Beermen at San Miguel-Alab Pilipinas.
- Latest