SMB umeskapo sa Hotshots
MANILA, Philippines — Itinakas ng San Miguel ang 100-98 panalo kontra sa Magnolia para makisosyo sa liderato ng 2023 PBA Govenors’ Cup kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagposte si import Cameron Clark ng 19 points, 10 rebounds at 4 assists para sa 4-0 kartada ng Beermen katabla ang Converge FiberXers at NLEX Road Warriors sa itaas ng team standings.
Lugmok naman ang Hotshots sa 0-3 at kinuha si dating Terrafirma Dyp import Antonio Hester kapalit ni Erik McCree.
Kinailangan ng San Miguel ang matinding depensa kay Paul Lee para lusutan ang Magnolia matapos itong makadikit sa 98-100 sa huling 18.7 segundo ng final canto.
Dalawang free throws ang naimintis ni CJ Perez sa nalalabing 10.2 segundo kung saan tangan ng Beermen ang two-point lead.
Sinupalpal naman ni Marcio Lassiter ang tangkang triple ni Lee sa huling posesyon ng Hotshots.
Nagdagdag si Lassiter ng 18 markers tampok ang anim na tres para sa SMB na kinuha ang 100-91 abante sa huling 1:18 minuto ng fourth period.
Samantala, tinalo ng Cavitex Braves ang Pioneer Elastoseal, 19-15, para pagharian ang Leg 4 ng PBA 3x3 Season 2 Third Conference.
Binigo ng TNT Tropang Giga ang Platinum Karaoke, 20-18, para sa third place.
- Latest