Orlen Cup pinagharian ni Obiena
MANILA, Philippines — Inangkin ni Pinoy pole vaulter EJ Obiena ang gold medal sa 2023 Orlen Cup matapos magposte ng 5.77 meters sa Lodz, Poland kahapon.
Tinalo ng World No. 3 na si Obiena sina American Sam Kendricks at Polish Piotr Lisek na lumundag ng parehong 5.70m.
Inagaw ng two-time world champion na si Kendricks ang silver medal kay Lisek sa pamamagitan ng countback.
Ito ang ikalawang gintong medalya ng 6-foot-2 na si Obiena matapos magkampeon sa nakaraang Perche en Or sa France sa inilista niyang 5.82m.
“It was a difficult battle, physically and mentally,” wika ni Obiena.
Nanggaling si Obiena sa bronze-medal finish sa Mondo Classic sa Sweden kung saan niya dinuplika ang kanyang personal at national indoor mark na 5.91m.
Nakatakdang sumalang ang 27-anyos na Pinoy pole vaulter sa bigatin ding Orlen Copernicus Cup sa Miyerkules sa Torun Arena Sports Hall sa Torun, Poland.
“Now we rest and recover for @copernicus_cup on the 8th of February,” wika ng Asian record holder sa kanyang paghahanda sa nasabing torneo na inaasahang lalahukan din ng mga bigating pole vaulters sa buong mundo.
- Latest