PVL All-Filipino Cup papalo ngayon
MANILA, Philippines — Muling masisilayan ang mainit na engkuwentro ng siyam na koponang magtatagisan sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na aarangkada ngayong araw sa Smart Araneta Coliseum.
Unang hahataw ang Akari Chargers at Choco Mucho sa alas-4 ng hapon.
Susundan ito ng banggan ng mortal na magkaribal na reigning champion na Creamline at Reinforced Conference champion na Petro Gazz sa alas-6 ng gabi.
Bagama’t wala si team captain Alyssa Valdez dahil sa knee injury ay nananatiling malakas ang lineup ng Cool Smashers.
Nariyan sina two-time MVP Tots Carlos, outside hitter Jema Galanza, middle blockers Ced Domingo at Jeanette Panaga, libero Kyla Atienza at playmaker Jia Morado.
Sa kabilang banda, ipaparada ng Petro Gazz si dating Choco Mucho head coach Oliver Almadro na siyang humalili kay Rald Ricafort.
Wala na sa Gazz Angels si top outside hitter Myla Pablo.
Ngunit pinalitan siya nina Des Clemente at Dzi Gervacio kasama sina Heather Guinoo at Jellie Tempiatura.
Bago rin ang coach ng Choco Mucho matapos italaga si dating men’s national volleyball team head coach Dante Alinsunurin.
Hahataw sa Flying Titans sina Kat Tolentino, Bea De Leon, Maddie Madayang, Des Cheng, Cherry Nunag, Isa Molde at Deanna Wong.
Itatapat ng Akari ang bagong recruit na si Dindin Santiago-Manabat mula sa Chery Tiggo.
Nakuha rin ng Chargers sina Camille Victoria (UST), Bang Pineda (Petro Gazz) at Eli Soyud (PLDT).
- Latest