Grizzlies dapa sa Blazers
MEMPHIS, Tenn. — Kumolekta si Damian Lillard ng 42 points at 10 assists habang may 26 markers si Anfernee Simons para pamunuan ang Portland Trail Blazers sa 122-112 pagpulutan sa Grizzlies.
Nagdagdag si Jerami Grant ng 18 points sa first half para sa Portland (25-26) bago iniwan ang laro dahil sa concussion symptoms.
Tumipa si Ja Morant ng 32 points, 12 assists at 9 rebounds sa panig ng Memphis (32-19).
Humataw si Morant ng 16 points sa third period para sa 90-84 abante ng Grizzlies bago banderahan ni Lillard ang pagbangon ng Blazers sa fourth quarter para agawin ang panalo.
Sa Philadelphia, humakot si Joel Embiid ng 28 points at 11 rebounds at naglista si James Harden ng 26 points at 10 assists sa 105-94 panalo ng 76ers (33-17) sa Orlando Magic (20-32).
Sa Boston, nagsalpak si Jayson Tatum ng 31 points para sa 139-96 demolisyon ng Celtics (37-15) sa Brooklyn Nets (31-20).
Sa Minneapolis, naglaglag si D’Angelo Russell ng 29 points sa 119-114 overtime win ng Minnesota Timberwolves (28-26) sa nagdedepensang Golden State Warriors (26-25).
- Latest